PROLOGUE
"DELIVERY FOR Ms. Zaimin Yaz Marchessa."
Napasulyap ako sa nurses' station matapos kong marinig ang pangalan ko. Sandali kong inihinto ang pagpeprepara ng gamot upang lumapit.
"Wow! Kanino galing 'yan?" agad na usisa ni Katley.
"Ano 'yan?" tanong ko habang ang paningin ay nasa bouquet na hawak ng delivery man.
"Uy! May secret admirer ka, ah!" panunukso ni Katley.
Inismiran ko siya. "Sa ganda kong ito, hindi na kataka-taka 'yan, 'no," biro ko. "Salamat, Kuya," baling ko sa delivery man sabay pirma sa receiver's sheet.
Natuon muli ang paningin ko sa isang bungkos ng mga rosas na nakapatong sa station. Bukod sa bulaklak ay may four cups of Starbucks coffee at box of cake. Kunot-noo kong kinuha ang card na nakadikit sa wrapper ng bulaklak.
From: Mr. Best.
Hindi ko magawang alisin ang paningin ko sa mga bulaklak. Noon lang ako nakatanggap ng mga gano'ng "sorpresa" sa trabaho. Wala rin naman akong naririnig na may gustong manligaw sa 'kin dito sa ospital. May mga nagkakagusto pero walang naglalakas-loob na manligaw. Kaya hindi ko maiwasang magulat at magtaka.
Mr. Best? Psh. Corny. Sino naman kaya ang nagpadala nito? Hawak ang kuwintas, hindi ko napansing matagal na pala akong nakatitig sa bulaklak.
"Uy, 'day." Nanunuksong kinalabit ako ni Katley. "Ang sweet naman nitong admirer mo. Mukhang iniisip din kaming mga kasamahan mo. Buksan ko na itong cake, ah? Inumin na rin natin itong coffee habang mainit pa." Hinayaan ko na lang siya.
Apat kaming naka-duty, at laking pasalamat namin dahil hindi toxic ang araw na ito hindi gaya noong nakaraan. Masasabi ko nang pahinga ito dahil kagagaling lang namin ni Katley sa dalawang magkasunod na straight duty.
Hindi ko maintindihan kung bakit nangingiti ako sa pagtitig sa mga bulaklak. Pero bukod doon ay hindi ko maitatanggi ang kaba sa dibdib ko. Siguro ay dahil hindi ko na rin matandaan kung kailan ako huling nakatanggap ng gano'ng bulaklak. Hindi ko na rin maalala kung kailan ako huling nasorpresa. Napailing na lang ako sa kaiisip kung sino ang posibleng nagpadala ng mga 'yon.
Ayokong umasa. Ako rin ang pumutol sa namumuo kong saya.
"Sino sa tingin mo ang nagpadala?" usisa ni Katley habang naglalakad kami papunta sa parking lot pauwi.
Ang totoo ay hindi na nawala ang deliveries sa isip ko. Hanggang sa matapos ang shift ay isip ako nang isip kung sino ang posibleng nagpadala niyon. May sagot sa puso ko, puno 'yon ng pag-asa. Pero panay ang pagkontra ng isip ko dahil alam nito kung gaano 'yon kaimposibleng mangyari. Gayunman, hindi ko ipinahalatang buong maghapon akong lutang sa kaiisip.
Nagkibit-balikat ako sabay tingin sa hawak kong bulaklak. "Iisa lang naman ang Mr. Best na nasa isip at pangarap ko."
Ngumiti ako. Gusto kong pagalitan ang sarili dahil masyado akong kinokonsiyensiya niyon dahil sa nararamdaman ko.
"Pero imposibleng siya ang nagpadala nito." Hindi ko naitago ang lungkot sa mga ngiti ko.
"Si Maxwell?" nagulat na tanong niya. Nagbaba lang ako ng tingin. "Sa bagay, imposible nga." Napatitig ako sa kaniya at hindi naitago ang panlulumo. Ibang sagot ang inaasahan ko mula kay Katley. Gusto kong sabihin niyang posible 'yon. Nakatatawa.
Kilala ni Katley si Maxwell Laurent del Valle. 'Yon nga lang, hindi pa niya ito nakikita nang personal. Hindi ko rin alam kung ano ang namumuong itsura ni Maxwell sa tuwing makikinig siya sa mga kuwento ko. Halos lahat yata ng tungkol sa lalaking 'yon ay naikuwento ko na sa kaniya. Mula sa pinakamaliit na bagay hanggang sa pinakamalalaki ay sinabi ko kay Katley. Maging ang nalalaman ko tungkol sa pamilyang Moon. Total naman, nandito kami sa Cebu, imposibleng makarating pa sa Laguna na itsinismis ko sila.
Alam ni Katley kung gaano ako kabaliw kay Maxwell Laurent del Valle. Nakatutuwa nga dahil parati siyang interesadong makinig at hindi talaga nagsasawa. Parati siyang may tanong kaya ginaganahan akong magkuwento.
No boyfriend since birth si Katley, kaya naman mas madalas pa siyang kinikilig kaysa sa 'kin. Sa simpleng kuwento ko ay para na siyang maiihi at namumula pa sa katutukso. Wala siyang pakialam kahit na paulit-ulit ako. Kahit alam niya na ang sinasabi ko, nakikinig pa rin siya. May mga pagkakataon kasing hindi ko na alam kung alin ang mga naikuwento ko na at hindi pa.
Suportado ni Katley ang feelings ko kay Maxwell kaya ayaw niyang may makatuluyan akong iba. Gaya ko, gusto niyang kami ni Maxwell ang humantong sa isa't isa. Minsan nga ay mas kinikilig pa siya. Nakatutuwa talaga.
"But what if sa kaniya nga nanggaling, Yaz?" Bumaling muli sa 'kin si Katley nang marating namin ang kotse ng isa't isa.
Umirap ako. "Duh? Paano mangyayari 'yon? Bukod sa napakalayo niya ay wala naman siyang dahilan para padalhan ako ng cake, coffee, at lalo na ng bulaklak," mataray kong sabi kahit na ang totoo, umaasa rin ako. "Hindi ito gagawin sa 'kin ng isang Maxwell Laurent del Valle, Katley," sabi ko habang nasa bulaklak ang paningin. Saka ako nag-angat ng tingin at pilit na ngumiti. "Imposible."
Ako ang higit na nasaktan sa sinabi ko. Dahil hanggang sa sandaling 'yon ay may parte sa kalooban ko ang humihiling na sana ay hindi na lang gano'n kaimposible 'yon.
"Kaya nga, what if?" Pinagdiinan pa niya ang huling dalawang salita. "What if siya ang nagpadala ng cake, coffee, at nitong flowers?"
God! She's really serious? Hindi ko alam kung bakit kinabahan na naman ako. 'Yon na ang gusto kong marinig mula kay Katley. Nang tanungin niya naman 'yon ay para akong nilalamon ng kaba.
"Well . . ." Hindi ko malaman kung ano ang sasabihin. "I don't really want to assume or expect anything, pero kung sa kaniya man nanggaling ito, oh, eh, 'di . . ." Muli akong nagbaba ng tingin sa bulaklak at sandaling napatitig doon. "Eh 'di, thank you, gano'n." Nakamot ko ang noo.
"Thank you lang? Hindi ka man lang kikiligin?"
Napamaang ako. "Hello? That's Maxwell Laurent del Valle for my beauty's sake, Katley, sino ang hindi kikiligin?"
"Eh, bakit hindi ka naman mukhang kinikilig?"
Nanlumo ako. "Dahil alam ko namang hindi sa kaniya nanggaling ito."
Mapait ang naging ngiti ko. At hindi ko na matatagalan pa ang pag-uusap na 'yon kaya nagmuwestra na ako pasakay sa kotse.
"See you tomorrow, Katley. Take care," paalam ko saka siya iniwan.
Hanggang sa pagmamaneho ay naging mapakla ang mga ngiti ko. Hindi ko maiwasang lingunin nang paulit-ulit ang bulaklak na nasa tabi ko.
Imposible. Hindi ito gagawin ni Maxwell. Imposibleng sa kaniya manggaling ito dahil hindi niya naman ako gusto. He doesn't like me, Katley. And he never will.
Bạn đang đọc truyện trên: WatTruyen.Top